Ang Talinghaga ng Punong Igos na Walang Bunga
(The Parable of the Barren Fig Tree)
Lucas 13:6-9
Mensahe ni Pastor Eric Chang
Magpapatuloy tayo sa ating pag-aaral sa katuruan ng Panginoon sa Lucas 13:6-9. Dumarayo tayo sa talinghagang ito na kilala bilang ang Talinghaga ng Punong Igos na Walang Bunga o Ang Di-Namumungang Punong Igos. Para makuha ang background ng sipi, basahin natin mula sa b.1.
Nang panahong iyon, mayroong ilan na naroon na nagsabi sa kanya tungkol sa mga taga-Galilea, na ang dugo ng mga iyon ay inihalo ni Pilato sa mga alay nila. At sinabi niya sa kanila, “Akala ba ninyo na ang mga taga-Galileang iyon ay higit na makasalanan kaysa lahat ng mga taga-Galilea, dahil sila’y nagdusa nang gayon? Sinasabi ko sa inyo, Hindi! Subalit malibang kayo’y magsisi, mapapahamak din kayong lahat tulad nila.
O, sa katunayan, sa mas tamang salin, “Kayo’y mamamatay sa parehong paraan.” May kaunti pero mahalagang kaibhan sa kahulugan diyan. Nagpapatuloy ang b.4 sa:
O ang labingwalo na nabagsakan ng tore sa Siloam at sila’y napatay, inaakala ba ninyo na sila’y higit na maysala kaysa lahat ng taong naninirahan sa Jerusalem? Sinasabi ko sa inyo, Hindi! Subalit malibang kayo’y magsisi, kayong lahat ay mapapahamak ding tulad nila.”
Dito, dumating na tayo sa talinghaga, sa b.6:
Isinalaysay niya ang talinghagang ito: “Ang isang tao ay may isang puno ng igos na nakatanim sa kanyang ubasan. Siya’y pumunta upang maghanap ng bunga roon, subalit walang nakita. Sinabi niya sa tagapag-alaga ng ubasan, ‘Tingnan ninyo, tatlong taon na akong pumaparito na humahanap ng bunga sa punong igos na ito, at wala akong makita. Putulin mo ito. Bakit sinasayang nito ang lupa?’ At sumagot siya sa kanya, “Panginoon, hayaan mo muna sa taong ito, hanggang sa aking mahukayan sa palibot at malagyan ng pataba. At kung ito ay magbunga sa susunod na taon, ay mabuti; subalit kung hindi, maaari mo na itong putulin.”
Dito, may talinghaga tayo tungkol sa isang puno ng igos na walang bunga. Siyempre, ang tanong ay: Anong sinasabi sa atin ng puno ng igos na ito? Ano ang nais sabihin sa atin ng Panginoong Jesus sa pamamagitan ng talinghagang ito?
Isang Pagkakasunod-sunod sa Pag-iisip sa mga Talinghaga
Nang nakaraan, pinag-aralan natin ang Talinghaga ng Mayamang Hangal. Matatagpuan ninyong may ‘progression’ o pagkaka-sunod-sunod sa pag-iisip sa mga talinghagang ito, sa pagkakaayos ng mga talinghagang ito. Maraming punto ng pagkakatugma, ng pagkakapareho sa pagitan nito at ng Talinghaga ng Mayamang Hangal. Parehong may kinalaman sa pagiging walang bunga sa espiritwal na buhay at parehong humantong sa pagkakaputol. Pero mayroon ding ilang mahahalagang punto ng pagkakaiba; may dalawang napaka-basic na kaibhan na nasa talinghagang ito, na wala naman sa isa pa.
Ang Talinghaga ng Mayamang Hangal ay nag-a-apply sa sinuman, iyon ay, Cristiano man o hindi, Judio o Hentil. Malawak ang natatamaan ng talinghaga, napakabagay, halimbawa, sa isang evangelistic meeting dahil nag-a-apply ito sa bawat isa. Pero ang Talinghaga ng Puno ng Igos ay tumutukoy lamang sa mga Cristiano mismo, o sa mga Judio, iyon ay, sa mga Israelita, ang mga tao ng Diyos. At kaya, ito’y di maia-apply sa lahat, kundi sa mga Judio lamang, at sa katumbas nito, sa bagong Israel, sa church.
Ang pangalawang bagay ay ang kawalan ng tagapamagitan sa kaso ng mayamang hangal. Walang nakikiusap para sa kanya. Pero, sa kaso ng punong igos na di-namumunga, para sa church o para sa mga tao ng Diyos – sa Israel, may namamagitan, na siyang humihiling ng pagpapaliban sa pagpuputol, para bang sinasabing, “Pigilin ang palakol!” Tandaang sinabi na ni Juan Tagapagbautismo sa mga Judio, “Ngayon palang ay nakalagay na ang palakol sa ugat ng punongkahoy.” [Mateo 3:10; Lucas 3:9] Ang aksyon ng paghuhusga ay malapit nang mangyari. At sa malapitang pagsasaganap ng paghahatol ng Diyos, makikita ninyo ang tagapamagitan. Matatagpuan ninyo rito ang tagapag-alaga ng ubasan, na nagsasabi, “Nagsusumamo ako sa iyo, ipagpaliban ang pagpuputol nang kaunti. Bigyan mo pa ang punongkahoy na ito ng kaunti pang panahon!”
Ngayon, para sa inyong pamilyar sa pagpuputol ng kahoy, alam ninyo na mayroon technique o paraan ng pagpuputol. Kailangan ninyong ilagay ang palakol dikit sa kahoy, kumbaga sa lugar kung saan ninyo ito nais putulin, tapos itataas ninyo ang palakol at ibababa ito sa guhit na iyon. Nang sinabi ni Juan Tagapagbautismo na ang palakol ay nailinya na sa ugat, ibig niyang sabihin ay sa susunod na pag-unday o ‘swing’, itatama na niya ang kanyang palakol doon sa mismong linyang iyon. At kaya, ang panahon para sa Israel ay napaikli na. Maikling maikli! Ang oras ay narito na.
Ito ang dalawang pangunahing punto. Una, ang talinghagang ito’y nangungusap sa church, iyon ay, sa inyo at sa akin. Ngayon, nangungusap nang deretsahan sa atin ang Panginoon. Ikalawa, sinasabi sa atin na kahit may tagapamagitan, maikli na ang oras. May limitasyon sa panahon ng grasya.
Magsisimula ang Paghahatol sa Sambahayan ng Diyos
Bilang resulta ng dalawang puntong ito, mayroong isa pang punto na mukhang di-makuha-kuha ng mga Cristiano. Ang punto ay: reyalidad ang paghahatol sa church maging sa mga di-Cristiano.
May malawakang pagkakamali sa church sa mga araw na ito na ang Cristiano ay di mahuhusgahan. Kung tama ang pagkakabasa ko sa Biblia ko, hindi ko nakikita ang ganitong uri ng katuruan sa Biblia. Ang sinasabi ng Biblia sa atin, sa totoo lang, ay mahuhusgahan ang mga Cristiano nang mas malupit kaysa sa mga di-Cristiano. Nabanggit ko na ang puntong ito sa ibang lugar dati. Gaya ng sinabi ng Diyos sa Israel, “Ikaw at ikaw lamang ang kinilala ko sa lahat ng mga tao sa mundo, at kaya, huhusgahan kita.” Dahil kayo ang aking mga tao, ang batayan o ‘standard’ ko para sa inyo ay mas mataas. Mas higit ang inaasahan ko mula sa inyo kaysa sa mga di nakakakilala sa akin. Dapat ay madaling maintindihan iyon. Pero sa mga araw na ito, katakataka na parati tayong nasasabihan at binibigyang kasiguruhan o ‘assurance’ na ang Israel o ang church ng Diyos ay di makakaranas ng paghuhusga. At paano tayo unti-unting pinatulog nito! Di ba’t sinabi ni apostol Pedro sa kanyang sulat na ang paghuhusga ay magsisimula sa church ng Diyos? (1Pedro 4:17). Ang paghuhusga ay mag-uumpisa sa church!
Anong Ginagawa ng Puno ng Igos sa Isang Ubasan?
Ngayon, pumunta na tayo sa isang paglalarawan ng talinghaga sa b.6: “isinalaysay niya ang talinghagang ito: ‘Ang isang tao ay may isang puno ng igos na nakatanim sa kanyang ubasan.’” Ang unang tanong na maaaring nais ninyong tanungin ay: Anong ginagawa ng puno ng igos sa isang ubasan? Ang ubasan ay kung saan kayo nagtatanim ng mga ubas, hindi ng mga igos. At kaya, may ilang wais na tao na mag-iisip agad na, “Aha! May mali siguro dito. Itinatanim ang mga puno ng igos sa isang orchard, hindi sa isang ubasan.”
Hmm, ang mag-isip nang ganito ay ang hindi maging may-alam sa mga bagay-bagay. Di siya ‘well-informed’. Ang katotohanan o ‘fact’ ay: nagtatanim ng iba’t ibang uri ng punongkahoy ang mga Judio sa kanilang mga taniman ng prutas at sa kanilang mga hardin. Kaya, isang napaka-common na gawi ang pagtatanim ng mga punongkahoy sa mga ubasan at sa mga hardin pang-gulay. Nagbibigay iyon ng sari-saring halaman. Ang iba’t ibang mga halaman ay may iba’t ibang pangangailangan mula sa lupa, at kaya, mabuti ang paghalo-halo ng mga halaman. Sa mga kasulatang ayon sa mga guro o ‘Rabbinic writings’, napaka-common ang matagpuan ang sari-saring mga punongkahoy na nakatanim sa mga ubasan at sa mga harding pang-gulay.
Ang isa pang bagay na mapapansin ay ang parating pagsasambit na magkasama sa Lumang Tipan ang mga punong igos at mga baging ng ubas. Ipinapahiwatig sa atin nito na ang dalawang uri ng halamang ito ay ordinaryong pinapatubo nang magkasama. Masyadong maraming mga reperensya para ibigay sa inyo, kaya isang aklat ang titingnan natin, sa aklat ng propetang Joel. Sa Joel 1:7&12 at sa 2:22, matatagpuan doon na sinasambit nang magkasama ang punong igos at ang baging ng ubas. Sa Joel 1:7 at 12, ang dalawang ito ay may espiritwal na kahulugan – ito ay isang pagtukoy sa Israel, sa indibidwal na tao sa Israel. Ibinibigay ko sa inyo ang mga reperensyang ito dahil may kinalaman ang mga ito sa talinghagang tinatalakay natin.
Ang Buong Pitong Taon ay Nagpapakita ng Perpektong Pasensya ng Diyos
Tapos, nakikita natin na nagpatuloy ang Panginoong Jesus sa pagsabi na ang tao ay dumating na naghahanap ng bunga roon at wala siyang nakita. At sinabi niya sa tagapag-alaga ng ubasan sa b.7, “Nagbalik-balik na ako rito nang tatlong taon na naghahanap ng bunga sa punongkahoy na ito at wala akong nakikitang anuman. Masasabi kong ang pasensya ko sa punongkahoy na ito ay ubos na. Putulin na ito! Sinasayang lang nito ang pagkaing kinukuha nito mula sa lupa.”
Ngayon sinasabi rito na, “tatlong taon na akong pumaparito na humahanap ng bunga sa punong igos na ito,…”. Nalalaman natin mula sa Biblia at mula sa mga gawing Judio na kapag nagtanim kayo ng bagong punong igos o punongkahoy, hindi kayo aasa na makakakuha ng anumang bunga rito sa unang tatlong taon. At kaya, ibig sabihin nito na kapag nagpupunta na roon ang isang tao at naghahanap ng bunga, ito’y nasa ika-apat na taon na. Sa unang tatlong taon, hindi kayo paparoon at maghahanap ng bunga; hindi kayo mangongolekta ng bunga sa panahong iyon. Makikita ninyo ito, halimbawa, sa Levitico 19:23 at sa ibang lugar sa kasulatan ng mga rabbi, na sa unang tatlong taon, hindi kayo maghahanap ng bunga, iyon ay, hindi kayo mamimitas ng anumang bunga mula sa puno. Hahayaan ninyo lang itong tumubo. Sa ika-apat na taon, hahayo kayo at maghahanap ng bunga. Sa pagsabing tatlong taon na siyang nagbabalik-balik sa paghahanap ng bunga, ibig sabihin na ang puno ay anim na taong gulang na. Anim na taon na ang nakalipas mula noong ito ay itinanim.
Ngayon, ang bilang na ito ay di walang-kahalagahan. Mapapansin ninyong nagsusumamo ang tagapag-alaga ng ubasan para sa isang taon pa. Hahantong ang bilang sa pito. Gaya ng alam ninyo, sa Biblia, ang ‘pito’ ay isang bilang ng pagiging perpekto. Isang perpektong bilang! Ang ideya, kung gayon, ay ang ipahiwatig ang perpektong pasensya ng Diyos. Nakapaghintay siya ng buong pitong taon. Ang pasensya niya ay naipahiwatig sa pinakasukdulang posibleng maabot. Lagpas dito, hindi na magiging responsable ang hayaang magpatuloy ang puno sa lupa dahil, gaya ng sinasabi sa atin sa b.7, ito’y kumukonsumo ng nutrisyon ng lupa ng nakalipas na tatlong taon. “Bakit sinasayang nito ang lupa?” ay ang mga salita rito. Ginagawa nitong walang-bunga ang lupa. Kinukuha nito ang nutrisyon ng lupa habang inaagawan ang ibang puno na namumunga mula sa nutrisyon na kinakailangan nila. At kaya, iresponsableng hayaan itong manatili pa nang mas matagal. Dapat itong putulin na.
At kaya, gamit ang kaunting pag-iisip at pangangatwiran, narating natin ang bilang na pito, at ngayon ay nakikita na natin ang kagandahan ng talinghaga, ang kagandahan ng pagkakagawa o ‘structure’ nito! Napakaraming nakatago rito, pero kapag natanto ninyo na ito, makikita ninyo kung paano naipapahiwatig ang perpektong pasensya ng Diyos tungo sa mga tao niya. Naghihintay siya hanggang simpleng wala nang pag-asang natitira.
Ngayon, pansinin na ang may-ari ng ubasan ay di kinakailangan ng maraming paghihikayat. Kapag sinabi ng tagapag-alaga ng ubasan na, “Bigyan pa ito ng isang taon pa,” hindi niya sinabi, “Hindi! Tapos na ito! Tama na!” Mabilis siyang sumang-ayon at sinabing, “Sige, bibigyan ko pa ito ng isang taon pa.” At kaya, kapag dumating na sa kabuuan ng pito, ang perpektong pasensya ng Diyos ay ipinapahiwatig.
Napakahalagang maisaisip, tulad ng alam natin mula sa mga espesyalista sa agrikultura, na ang punong igos ay sumisipsip ng maraming ‘pagkain’. At kaya, dapat ay huwag hayaan itong manatili nang masyadong matagal kung ito’y mapapatunayang di-namumunga dahil mapapahina nito ang lupa ninyo. Nanakawin nito ang sustansya mula sa lupa. Napakatibay nito, napakatatag na puno at sinisipsip nito ang napakaraming sustansya.
Ito ang buong punto ng talinghaga: mayroon kayong isang puno na kumukuha lamang at di nagbibigay. Gaya ng maraming tao, ang buong atensyon nila ay nasa sa sarili lamang; wala silang naibibigay na anuman. Heto ngayon ang babalâ. Kung ikaw ay isang ganitong klaseng Cristiano, hindi magiging mahaba ang pasensya ng Diyos sa iyo. Kung nariyan ka lamang upang mangolekta at makatanggap ng espiritwal na yaman para sa sarili mo at walang ibinubunga, kung gayo’y mag-ingat, dahil hindi ito-tolerate ng Diyos ito nang walang-hangganang panahon.
Ang May-ari at ang Tagapag-Alaga
Isipin naman natin ngayon kung sino ang tagapag-alaga ng ubasan. Nabasa natin dito na ang tagapag-alaga ng ubasan ang siyang namamagitan. Kaya, may tanong buhat dito: Sino ang may-ari ng ubasan at sino ang tagapag-alaga nito? Ngayon, mula sa mga talinghaga ng Panginoong Jesus, alam agad natin na ang may-ari ng ubasan ay ang Diyos mismo. Nililinaw agad ito para sa atin ng Mateo 21:33ss, halimbawa, na ang Diyos ay inilalarawan bilang ang may-ari ng ubasan. Pag-aari niya ang ubasan.
Sino, kung gayon, ang tagapag-alaga ng ubasan? Nagsisimula na ring maging malinaw ang larawan. Sino pa ba ang namamagitan at nagsusumamo para sa kahabagan? Sino ba ang tagapamagitan sa gitna ng Diyos at ng tao? Sino ang tagapamagitan, ang punong pari sa church na nagsusumamo para sa kanyang church? Wala nang iba kundi si Cristo mismo, siyempre! Siya ay nakikiusap para sa kaunti pang habag tungo sa church. Ito’y hindi dahil ayaw ng Diyos na ibigay ito. Doon nga ay nakita natin, napaka-willing ng Ama na ibigay ito. Pero kailangang mayroong mamagitan, at si Jesus ang siyang namamagitan para sa atin.
Ang kagandahan ng larawan ni Jesus bilang tagapamagitan ay nakikita sa kung anong sinasabi ni Panginoong Jesus kay Pedro sa Lucas 22:31ss, “Pedro, Pedro, ninais ni Satanas na makuha ka, pero ipinagdasal kita.” Siya’y namamagitan para kay Pedro, nagdarasal na makamtan pa rin ni Pedro ang buong grasyang kinakailangan upang tumindig nang matibay sa matinding pagsubok na darating, na ilalagay ni Satanas sa kanya.
Isang kagalakang malaman na ang Panginoong Jesus ay namamagitan para sa atin. Napakarami nating kahinaan, napakaraming pagkukulang, napakaraming di-kasapatan. Walang sinuman sa atin ang walang kakulangan. Pero isang kagalakang malaman na naroon parati ang Panginoong Jesus, isang punong pari, mahabagin at mapagmahal, na nagsusumamo para sa atin. Iniisip ko, nasaan na kaya ang karamihan sa atin ngayon kung hindi siya paulit-ulit, sa lahat ng mga taong nakalipas, na namagitan para sa atin. Nasaan na kaya ako at ikaw? Ilang beses na tayong muntik mabuwal, na hindi na makabangon muli? Pero siya’y nakikiusap para sa atin. At tayo, sa kanyang grasya, ay itinataas muli paalis mula sa putik upang ipatong sa malaking bato, sa solid rock.
Nais kong banggitin ang isa pang bagay tungkol sa tagapag-alaga. Dito, inilalarawan ng talinghaga ang Panginoong Jesus hindi lang bilang tagapamagitan, kundi inilalarawan siya bilang isang alipin. Napakaimportanteng makita ito. Sa Lumang Tipan, ang Panginoong Jesus ay inilalarawan bilang ang nagdurusang alipin sa Isaias 53; siya’y namamagitan para sa atin, sa pagpasan ng ating mga kasamaan at mga kasalanan. Sa Isaias 53, siya ang alipin. Ang dahilan kung bakit ko sinasambit ito ay kapag pinag-aralan ninyo ang salitang ‘vinedresser’ o tagapag-alaga sa Lumang Tipan, mapapansin ninyong ang salita’y parating ginagamit bilang pantukoy sa antas ng alipin, sa mga nasa mababang antas sa lipunan.
Kung titingnan ninyo, halimbawa, ang Isaias 61:5, o Jeremias 52:16, o 2 Hari 25:12, makikita ninyo sa lahat ng mga lugar na ito, na ang tagapag-alaga ay iniuugnay sa mag-aararo, sa taong nag-aararo ng bukid, na tumatayo sa likod ng kalabaw at pumapatnubay sa araro sa bukid. At sinasabi sa atin sa mga siping ito na sila’y pinipili mula sa mga pinakadukha sa lipunan. Sila yaong mga tinatawag na ‘low class’. Pero iyan ay kung ano naging ang Panginoong Jesus, sa pinakamababang posisyon sa mundo, gaya ng sinasabi sa atin ng Filipos 2. Kinuha niya ang anyo ng alipin at naging masunurin hanggang kamatayan.
Ito ang kagandahang lumalabas mula sa larawang ito, ang di-inaasahang mga kagandahang lumalabas, sa isang talinghagang parang walang masyadong sinasabi. Pero gaano karami ang mga yaman na nasa talinghagang ito? Sa katunayan, masyadong napakaraming yaman para masabi ko lahat sa isang mensahe! Sa talinghagang ito lamang, kaya ko nang magsabi ng siyam na espiritwal na mga punto. Kung tatalakayin ko ang lahat ng siyam na mga espiritwal na punto, ito’y magiging isang napakahabang mensahe. At kaya, ako’y mananatili sa isang sentrong isyu lamang ngayon.
Ang Israel ay Isang Di-Namumungang Puno ng Igos
Ang susunod na tanong ay: Anong inirerepresenta ng punong igos? Ang punong igos ay isang larawan ng Israel, gaya ng naipahiwatig ko sa inyo kanina sa simula pa lang. Kunin, halimbawa, ang kabuuan ng Jeremias 24; doon ang indibidwal na mga Israelita ay inilalarawan bilang mga igos. Ibig sabihin, ang buong bayan ay inilalarawan bilang isa o marami pang mga punong igos at ang bawat indibidwal na Israelita bilang mga igos. Nabanggit ko rin ang Joel 1:7. Doon sinasabi ang tungkol sa pag-atake laban sa Israel ng kalaban mula sa hilaga at ang pagbabalat ng punong igos at ng puno ng ubas. Doon inirerepresenta ng mga punong igos ang mga tao ng Israel. Ngayon mayroon na tayo ng pangkalahatang larawan ng Talinghaga ng Punong Igos.
Pero may isa pang bagay na dapat sabihin: ang Israel ay isang di-namumungang punong igos. Nasabi rin iyan ng Panginoong Jesus sa isa pang talinghaga na tinatawag na, “Ang Pagsusumpa ng Punong Igos”. Ito’y isang ginanap na talinghaga o ‘acted parable’. Ginawa ito bilang babalâ sa Israel, ginanap sa paningin nila dahil sila’y isang di-namumungang punong igos, isang baog na punong igos, na mapapasailalim ng pagkokondena. Maraming tao ang nagulumihanan sa pagsusumpa ng punong igos dahil hindi pa nila naiintindihan ang espiritwal ng kahulugan nito at ang katotohanan o ‘fact’ na ito’y isang ginanap na talinghaga o ‘acted parable’.
Maraming propeta sa Lumang Tipan ang gumanap ng mga talinghaga. Gaya ng alam ninyo na, gumawa ng maraming nakakapagtakang bagay si Ezekiel, gaya ng paghiga sa lupa, paghiling sa isang kamay at pagkain ng mga rasyon. Sasabihan siya ng mga tao, “Anong ginagawa mo rito?” At pwede na niyang sabihin sa kanila: “Ito ang mangyayari sa Jerusalem. Ang Jerusalem ay mapapaligiran at di makakalabas. Ang Jerusalem ay kakailanganing mamuhay sa mga rasyon kapag ito’y napaligiran na ng kaaway.” At kaya, humiga siya malapit sa isang modelo ng Jerusalem upang iaksyon ang isang talinghaga. Humiga siya palibot sa Jerusalem at kumain ng mga rasyong ito. [Ezekiel 4]
Kaya, mula rito, nakikita natin ang importanteng puntong ito na ang mga talinghaga ay pwede ring iaksyon, hindi lang basta ipahayag. At ito ang ginawa ng Panginoong Jesus, lalo na’t nais niyang gawing di-makakalimutan ang puntong ito. Madalas nating matandaang mabuti kung anong nakikita natin kaysa sa naririnig lamang natin. Ito marahil kung saan may malaking kahalagahan ang isang film ministry. Ito’y dahil mas natatandaan natin ang nakikita natin kaysa sa naririnig lang natin. Ito ang dahilan para sa isang inaksyong talinghaga.
Ang Dagdag na Sukat na Grasya ng Diyos
Ngayon, ang isa pang bagay na dapat mapansin dito ay: hindi lang binigyan ng isa pang taon ang punong igos na ito. Hindi lang kayo bibigyan ng Diyos ng isa pang pagkakataon, kundi may gagawin pa siyang positibo. Hinayaan ng may-ari na maghukay ang tagapag-alaga palibot sa puno at maglagay ng pataba sa lupa. Sa aking nabasa, sinabihan ako ng mga eksperto na hindi kailangan ng mga punong igos ang ganitong klaseng pag-aalaga. Napakatitibay ng mga punong igos. Malulusog silang mga puno na kayang alagaan ang sarili nila. Hindi nila kailangan ng pataba. Napaka-kakaibang gawi ang paglalagay ng pataba sa paligid ng isang punong igos.
Ibig sabihin nito, gumagawa ang Diyos ng isang kakaibang bagay para sa Israel. Binibigyan niya ang mga Israelita ng karagdagang sukat ng grasya. Kung paano mangyayari ang karagdagang sukat ng grasyang ito ay makikita natin sa mismong katuruan ng Panginoong Jesus. Dati, pinadalhan sila ng Diyos ng mga propeta niya; ngayon, ang mismong anak niya ang dumating upang alagaan ang kanyang punong igos, upang kausapin ang Israel. Tayo, sa totoo lang, ay nakakakuha, kumbaga, ng mga benepisyo ng paghahalukay at pagpapataba na ito dahil hindi tayo kinausap ng mga propeta lamang, kundi nakakapakinig tayo ng salita ng Panginoong Jesus. Totoong namumuhay tayo sa panahon ng grasyang ito. Pero ang panahong ito ng grasya ay limitado. Hindi ito di-tiyak kung kailan magtatapos at iyan ay napakahalagang maisaisip.
At kaya, dito, ginagawa ng Diyos ang lahat ng posibleng gawin upang gawing mabunga ang walang-bungang punong igos na ito. Isa pa itong napakahalagang bagay na dapat isaisip. Kung may sinumang Cristiano ang nagkukulang o tumatalikod sa Diyos, makakasiguro kayo na ang responsibilidad ay hindi sa Diyos, kundi responsibilidad ito ng taong iyon mismo. Ginagawa ng Diyos ang pawang lahat na posible upang masiguro na kayo ay pupunta mula sa isang lakas tungo sa isa pang lakas. Willing siyang ibigay sa inyo ang lahat ng grasyang kailangan ninyo, upang wala kayong dahilan sa pagkabigo o panghihina. Anong ‘excuse’ ng punong igos na ito sa pagkabigo? Anong idedeklara nito? Walang-wala! Walang dahilan ang pagkabigo nito.
Ang Punong Igos – Simbolo ng Pagiging Mabunga
Pero mayroong isa pang tanong sa konesksyong ito tungkol sa punong igos: Bakit pinili ang punong igos bilang halimbawa rito? Minsan ang Israel ay inilalarawan bilang punong olibo, minsan ay bilang puno ng ubas, pero dito bilang punong igos. Kamangha-mangha ang punong igos sa ganitong aspeto, at ipinapakita nito ang pagiging angkop sa larawang ito ng bunga o ‘fruit’. Ang igos ay isang napaka-mabungang puno. Wala nang ibang puno na makakatalo pa sa puno ng igos sa pamumunga. Isa ito sa mga bihirang punongkahoy na kayang mamunga nang sampung buwan sa isang taon.
Ngayon, wala akong alam na anumang puno na kayang gawin iyon. Kaya nitong mamunga sa tagginaw o ‘winter’. Kaya nitong mamunga sa tagsibol o ‘spring’. Kaya nitong mamunga sa tag-araw o ‘summer’. Kaya nitong mamunga sa taglagas o ‘autumn’. Kaya nitong mamunga pawang buong taon. Ayon sa mga eksperto, makakapamunga ang isang mabuting punong igos sa sampung buwan ng isang taon. Di-kapani-paniwala ito! Ngayon ay alam na ninyo kung bakit pinili ang punong igos bilang ang larawan: ang dapat na pinakamabunga ay nangyaring di namumunga man lang!
Sa aming hardin kung saan kami nakatira, mayroon kaming punong ‘plum’ at punong mansanas. Ngayon, kung mamumunga ang punong mansanas ng tatlo o apat na buwan sa isang taon, maituturing itong isang mabuting puno. Apat na buwan sa isang taon! Napaka-mabunga ng punong mansanas namin sa taong ito. Nagkaroon kami, binilang ko, ng lagpas 250 na mansanas mula sa iisang puno na iyon. Kung tutuusin, naglagay rin ako ng pataba roon at iniayos dahil hindi ito masyadong mabunga dati-rati. Pero ngayon, nagiging mabunga na ito.
At ang puno ng ‘plum’ na hindi pa nakakapamunga dati, sa taong ito ay namunga ng ilang ‘plum’. Pabirong sinabi ng ilang tao na nakikitira sa akin na marahil ay binantaan kong putulin ito kung hindi ito mamumunga, at kaya, agad sa taong ito, namunga ito.
At kaya, nakikita natin na ang punong mansanas na ito ay kayang mamunga nang apat o limang buwan. Hindi ko masasabing malapit sa limang buwan, pero maaari, sa ‘maximum’ nito, mga apat na buwan o kulang ng kaunti. Nagbubunga ito ng isang anihan ng mansanas. Pero ang punong igos ay namumunga ng ilang anihan ng igos. Ito’y isang napaka-mabungang puno kapag ito’y mabuti, kapag ito’y malusog, na dapat lang ito maging.
Dito makikita ninyo ang kagandahan ng talinghagang ito: ang pagkakasalungat ng isang punong dapat maging napaka-mabunga ngunit walang ibinubunga. Iyon ay napaka-kapansin-pansin. Napakagaling ng pagpipili ng Panginoong Jesus sa kanyang mga larawan! Gaano kapuno ng mga yaman ang mga larawang ginagamit niya sa mga talinghaga.
Kaligtasan – Pamumunga sa pamamagitan ng Milagro ng Pagbabago
Ngunit ngayon, dumako na tayo sa mga espiritwal na leksyong narito. Nang itinanim ng Diyos ang Israel, para ano niya itinanim ang Israel? Nang iniligtas tayo ng Diyos, para ano niya tayo iniligtas? Isaisip mabuti ang bagay na ito, baka kasi isipin ninyo na iniligtas kayo ng Diyos dahil dapat kayong iligtas o dahil nais ninyong maligtas. Sa paraang ipinapahayag ang Ebanghelyo sa mga church ngayon, maiisip na ang tanging layunin ng pagiging narito ng Diyos ay upang siguraduhin na tayo’y mapupunta sa langit. Ngayon ang ganyang uri ng pagpapahayag ay hindi ayon sa Kasulatan.
Iniligtas tayo ng Diyos upang mamunga, iyon ay, upang mamunga tayo ng espiritwal na bunga para sa kanyang kaluwalhatian at para sa pagpapala ng iba, upang pagpalain ang ibang tao, upang siya’y maluwalhati at tayo’y magkaroon ng galak sa paggawa ng parehong mga bagay na ito. Pero ang ipahayag ang kaligtasan, sa paraang ginagawa ng maraming mamamahayag ngayon – na parang ang kaligtasan ay simpleng para may makuha at iyon na ang katapusan ng buong gawain; na parang ang kailangan lang ay mapasa-langit at iyon lang ang kahulugan ng kaligtasan – ay simpleng katuruang hindi ayon sa Biblia. Ang turo ayon sa Biblia ay: kayo ay naliligtas upang makapamunga ng marami.
Pangalawa, pansinin ito: Paano makakayang makapamunga ng walang-bungang punong kahoy kung walang buô at malalim na pagbabago sa loob nito? Kung sa ikapitong taon, namunga ang punongkahoy na ito, ibig sabihin ay mayroong nangyaring dakila at malalim na pagbabago sa punongkahoy na ito! May di-kapani-paniwalang nangyari! Maaari itong ilarawan bilang isang milagro ng pagbabagong-buhay o ‘regeneration’ sa punongkahoy. Ito’y dahil alam ng bawat eksperto na ang punongkahoy na nabigong mamunga sa anim na sunod-sunod na taon ay hindi na mamumunga. At kaya, ang tagapag-alaga ay talagang naghahanap ng milagro! Dahil mismong ang may-ari ay makakapagsabi sa kanya na wala nang pag-asa pa ang punong igos na ito. Wala nang pag-asa ang punong igos na di namumunga nang ganoong katagal na panahon. Naghahanap ng milagro ang tagapag-alaga. Umaasa siyang magka-milagro sa ikapitong taon. Sa madaling sabi, ito’y magiging isang lubos na pagbabago sa punong igos. Sa kapangyarihan ng Diyos, pwedeng maging posible iyon!
Sa totoo lang, sasabihin sa inyo ng isang dalubhasa sa agrikultura na hindi mag-a-apply ang talinghagang ito sa tunay na buhay. Napaka-kaduda-duda na magkakaroon pa ng mumunting pagkakataong mamunga ang punong igos na ito bigyan man ito ng isang taon pa, o kahit limang taon pa. Pero, dito, ipinapahiwatig ng talinghaga ang lagpas sa natural o ‘supernatural’, ang espiritwal na elemento: na gagawa ang Diyos ng isang himala. Gagawin niyang maging possible ito. Ang buong kapangyarihan at grasya niya ay magiging ‘available’ nang walang hangganan para sa punong igos na ito.
Ito ba’y nangyari kung ang Israel ang pinag-uusapan? Hindi nangyari! Ito ang trahedya ng buhay. Kahit na naging ‘available’ ang buong kapangyarihan ng Diyos sa bawat isa sa atin dito, upang walang may dahilan sa pagkabigo, pero ang trahedya nito ay may mga tao pa ring parating nabibigo sa church. Sa katunayan, may mga buong church ang bumabagsak! Bakit ganoon? Bakit hindi naging sapat ang grasya ng Diyos para sa inyo? Bakit nangyari na ang grasya ng Diyos ay naroon ngunit hindi nakapagligtas? Gaya ng nasabi na, ito’y hindi dahil di-sapat ang grasya niya. Ito’y dahil sa atin! Bakit ikaw at ako’y di nahahantong sa buong sukat ng layunin ng Diyos para sa atin? Kung hindi natin ito nakakamit, ito’y hindi dahil sapat ang grasya niya, kundi dahil sa ating katigasan at pagsuway sa puso.
Kapag tinitingnan ko kayong lahat, nakikita kong kaya ng Diyos na gawin ang bawat isa sa inyo, bawat isa sa atin, bilang isang makapangyarihang tao ng Diyos – babae o lalaki man. Walang dahilan para ang sinuman ay maging espiritwal na maliit na tao. Walang-wala! Ito’y dahil ang mapanlikhang mapagkukunan ng Diyos [God’s creative resources] ay naroon upang mabago ang bawat isa sa atin. Okey, maaaring Cristiano na kayo nang anim na taon na, gaya ng punong igos na ito, pero di pa kayo nakakapamunga ng marami. Sige, pero hayaang sabihin ko ito: ‘willing’ pa rin ang Diyos na bigyan kayo ng isang taon pa. ‘Willing’ pa rin siyang gawin kayong makapangyarihang lalaki o babae, na kung sino kayo at ako dapat. Ngayon, kung hindi natin maaabot ang mga bagay na iyon, ang problema’y nasa atin. Iyan ang problema.
Siyempre, ang punong igos ay walang ‘will’ at walang anumang desisyon. Kung mayroon mang problema sa punong igos, ito’y bahagi na ng puno, at iyon ang dahilan kung bakit di ito namumunga. Pero kung may problema sa atin, kung gayo’y may problema sa atin sa espiritwal, at ito’y parating may kinalaman sa ating ‘will’, sa ating kaloob-loobang attitude o pakikitungo sa Diyos.
Pagiging Mabunga – Kalidad ng Buhay at Mabubuting Gawa
At kaya, dinadala ako nito sa punto tungkol sa punong igos na ito. Napansin na natin na ang punong igos na ito’y kumukuha lamang ng nutrisyon at walang naibibigay. Dinadala nito tayo sa problema sa maraming Cristiano sa panahon ngayon. Nakikita ko na maraming Cristiano ang ‘willing’ na maghadali upang makatanggap nito at makatanggap niyon. Sila’y willing kahit na mag-training, magpunta sa Bible College at anupaman. Nais nilang i-absorb o tanggapin ang anumang maaaring matanggap, nais nilang kunin ang lahat ng yaman doon – ang mga yaman ng Diyos! Pero wala akong nakikitang anumang lumalabas mula sa kanila. Wala akong nakikitang bunga mula sa kanila. Kailan nga ba ang katapusan ng pagkuha at ang simula ng pagbibigay? O hindi ba natin kaya pagsabayin ang pagkuha at ang pagbibigay? Ngayon ito ang problem sa punong igos na ito. Naroon tayo, gaya ng punong igos na ito, na tumatanggap lang, hinihigop ang lahat taon-taon. At anong lumalabas? Ano ang bunga?
Ngayon, ang bunga ay ang siyang hinahanap ng Diyos. Sa Juan 15, nakikita natin ang parehong talinghaga na inilalarawan sa pamamagitan naman ng isang puno ng ubas. Itinanim ng Diyos ang puno ng ubas na ito upang ito’y mamunga ng marami. Sinabi sa b.8 na, “Dito naluluwalhati ang aking Ama, sa pamumunga ninyo ng marami. At sa pagganap nito” iyon ay, sa pamamagitan ng pamumunga ninyo ng marami, “mapapatunayan na kayo’y aking mga disipulo.” Sa ibang salita, ang pagiging disipulo ay nasusubok sa pagiging mabunga.
Kung gayon, ano ang pagiging mabunga? Anong ibig sabihin ng pagiging mabunga? Ang pagiging mabunga ay nailalarawan sa dalawang paraan sa Biblia. Una, ito’y nailalarawan sa pagbabago ng kalidad ng inyong buhay, gaya ng nakikita sa Galacia 5:22&23, ang bunga ng Espiritu. Lumalabas sa inyo ang bunga ng Espiritu – may pagbabago sa kalidad ng buhay ninyo. Iyon ang unang ibig-sabihin ng pamumunga. Ikalawa, ibig sabihin nito ang paggawa ng mabubuting gawa. Hindi ako takot na gamitin ang salitang ‘mabubuting gawa’ dahil hindi takot si Pablong gamitin ito. Mababasa sa Colosas 1:10, “namumunga sa bawat gawang mabuti”. Mabunga sa anong paraan? Sa bawat mabuti gawa.
Kaya, dapat mauna – at tama dapat ang pagkakasunod-sunod nito – ang pagbabago sa kalidad ng inyong buhay. Kapag dumarating kayo upang mapakinggan ang Ebanghelyo linggo-linggo, dapat may nakikitang pagbabago sa buhay ninyo. Mayroong ‘qualitative change’, o pagbabago sa kalidad, mula sa masama tungo sa mabuti, gaya ng nakikita natin sa Roma, mula sa pagiging makasarili tungo sa pagiging mapagmahal. Isang ‘qualitative change’! Ikalawa, kasama ng pagbabago sa kalidad, hindi ninyo basta masasabi na, “May pagbabago na ako sa kalidad.” Ito’y dapat maipakita sa anong ginagawa ninyo, sa anong sinasabi ninyo, sa kung paano kayo namumuhay, sa kung paano kayo tumutulong sa iba; ang pagbabago sa kalidad na ito ay dapat maipakita sa bunga ng mabubuting gawa.
Babalâ: May Limitasyon ang Panahon ng Grasya!
Binababalaan din tayo ng talinghagang ito na ang oras ninyo’y mauubos na, na ang palakol ay inililinya na sa ugat ng inyong puno. At isa sa mga araw na ito, matutumba kayo, gaya ng napakaraming Cristianong natumba na. Naubos na ang kanilang oras. Huwag isipin na dapat ninyong hintayin pa ang Araw ng Paghuhukom. Maaaring maubos na ang inyong oras kahit na ngayon sa kasalukuyan, gaya ng pagkaubos nito para sa Israel. Hindi na nila kinailangang hintayin ang Huling Paghuhukom. Naputol na sila malayo pa bago dumating ang Huling Paghuhukom. Marami na akong nakitang naputol na mga Cristiano dahil sa pagsasayang nila ng lupang kinatatayuan nila. Hinahadlangan nila ang ibang tao at kaya mananagot sila sa Diyos balang araw. Parating isaisip: may limitasyon ang oras ng grasya. Tunay na perpekto ang buong pasensya ng Diyos, pero mayroong limitasyon. Iyon ay katuruang ayon sa Kasulatan, hindi aking katuruan.
Makikita rin iyan sa Lumang Tipan, halimbawa, sa Kawikaan 6:15, 29:1 at 2Cronica 36:16. Kapag ang isang tao’y madalas na napagsasabihan, madalas na napapaalalahanan, madalas nababalaan, madalas na masidhing nahihikayat ngunit di nakikinig, bigla na lang siyang mapuputol, at nang walang remedyo. Huwag isipin na kayo’y okey hanggang sa Araw ng Paghuhukom. Isa pa iyang kamalian. Maraming napatumba malayo pa sa Araw na iyon.
Higit na Mapalad ang Magbigay Kaysa Tumanggap
Ngayon, examine-nin natin ang pakikitungo o ‘attitude’ kaugnay nitong “parating kumukuha” bilang bagay na kanais-nais. Halimbawa, may mga tao na iniisip na ang church ay isang lugar upang makakuha ng mga espiritwal na yaman, na walang kailangang ibigay na anuman. Sa pagkuha, bigla na lang silang mawawala nang mabilisan. Kung tutuusin, nakuha na nila ang gusto nila. Ano pang hihintayin? At kaya aalis na sila. Wala silang pagnanais na magministro, ni magkaroon ng pagnanais na ibahagi ang anumang natanggap nila mula sa church.
Mayroong katuruan ang Panginoong Jesus na hindi lumilitaw sa mga ebanghelyo pero ito’y alam at sinambit ni apostol Pablo sa Gawa 20:35: “Higit na mapalad ang magbigay kaysa tumanggap.” Ang malaking problema ng punong igos na ito ay di nito natutunan ang leksyong ito. Hindi kailanman ito nagkaroon ng pagbabago sa ‘attitude’ o pakikitungo. Akala nito’y higit na mapalad ang tumanggap kaysa magbigay, at kaya, wala itong ibinigay. Dumating lang ito at nanguha lang. Pero sinambit ni apostol Pablo ang mga salita ng Panginoon: “Higit na mapalad ang magbigay kaysa tumanggap.”
Suriin natin ito nang ilang sandali at ikumpara ang salitang ito upang makita kung ganito ang inyong pag-iisip o kung ito ang aking pag-iisip o hindi. Nalulungkot akong sabihin na ang ganitong pag-iisip ay di matatagpuan sa church sa mga araw na ito at lagot ang church.
Ang talinghagang ito’y nakadirekta sa Israel. At kaya, ang talinghagang ito’y nakadirekta sa Bagong Israel din. Ito’y dahil sinabihan tayo sa 1Corinto 10 na kung anong sinabi sa Israel noon, lahat ng nangyari sa Israel sa lumipas na panahon, ay isang babala sa church ngayon. Nakikita natin ito sa b.11 na ang nangyari sa kanila ay maaari at talagang mangyayari sa atin.
At isa pa, ipinapaalala sa atin ni apostol Pablo ang mismong bagay na iyan. Sa Roma 11:22, sinasabi niya sa ating mga Cristiano na, tunay na naputol ang Israel, “maliban sa manatili kayo sa kabutihan at kabaitan ng Diyos, at magpursigi sa kanyang kabaitan, kayo rin ay mapuputol.” Sa mga araw na ito, ayaw makinig ng church dito. Ayaw nilang marinig ito, gaya ng Israel noon na ayaw marinig iyan. Nainis sila sa mga propeta ng Diyos gaya ni Jeremias na nagsabi sa kanila nito. Sa mga araw ngayon, ayaw rin nilang marinig ito. Sa atin na mga nagbababalâ sa church ng mga bagay na ito, palagi tayong minamaltrato at inaatake. Pero okey lang iyon. Narito ako upang malugod ang Diyos, hindi ang tao. Narito ako upang ipahayag ang kanyang Salita at hindi ang ipahayag ang mga salita ng tao. Sinasabi ng Diyos ito at kailangang sabihin ko ito. Binababalaan tayo ni Pablo: naputol sila, ito’y totoo. Kayo rin ay puputulin, maliban na lang kung kayo’y mananatili sa kanyang kabaitan at magpapakatatag sa pananalig.
Ang Lumang Pag-iisip: Higit ng Mapalad ang Tumanggap
Ito ang mentalidad na kinalakihan natin. Nakikita kong napaka-common ng ganitong pag-iisip sa mga Cristiano ngayon. Itinuturing natin ang ating sarili bilang mapalad, bilang ‘blessed’ dahil may ibinigay sa atin ang isang tao na hindi natin kailangang bayaran; iyon ay ‘blessing’ ng Diyos sa atin. At kaya, kung bigla na lang, na di inaasahan, kayo’y nagkaroon ng umento, iyon ay ‘blessing’ ng Diyos. Kung may nagbigay sa inyo ng magarang jacket o magandang sweater, iyon ay ‘blessing’ ng Diyos. Hmm, tama naman, ang mga iyon ay mga biyaya ng Diyos; walang makakasalungat sa inyo roon. Iyon ay ‘blessing’ nga ng Diyos, pero kung titigil tayo roon, mapapasa-panganib tayo. Ito’y dahil nagde-develop tayo ng pag-iisip na ang ibig sabihin ng ‘blessing’ ng Diyos ay tanging ako’y tumanggap lang; iyon ay ‘blessing’. Pero kapag ako’y namimigay, hindi iyon ‘blessing’.
Ngayon kung naintindihan natin ang katuruan ng Panginoong Jesus, ang kabaligtaran ang siyang katotohanan. Ang taong nagbigay sa inyo ng jacket o sweater, o ang taong nagbigay sa inyo ng pera sa inyong pangangailangan, ay mas mapalad o ‘blessed’ kaysa sa inyo. “Higit na mapalad ang magbigay kaysa tumanggap.” Makakatanggap ang taong iyon ng higit na pagpapala mula sa Diyos kaysa sa inyo. Gaano natin kailangang baguhin ang ating pag-iisip! Kaya, sa susunod, kapag may natanggap kayong regalong pera, pasalamatan ang Diyos para roon, pero tandaan ito, ang taong iyon na nagbigay sa inyo ay higit na pinagpala kaysa sa inyo sa harapan ng Diyos; ang taong iyon ay mas ‘blessed’.
At kaya, isang pagpapala ang makatanggap. Isang ‘blessing’ ang makatanggap, ngunit higit na ‘blessing’ ang magbigay. Sinabi ng Panginoong Jesus, “Higit na mapalad ang magbigay kaysa tumanggap.” Ngayon, iyan ay isang pag-iisip na buong kabaligtaran ng ating natural na pag-iisip. At iyan ang pag-iisip, kung sa ganito’y mailagay ko ang larawan doon, na hinding-hindi natutunan ng punong igos na ito. Naisip nitong isang ‘blessing’ ang magbabad doon, kumukuha ng yaman, nang-aagaw, nangkukuha – hinding-hindi namimigay. Napakaraming Cristiano ang ganyan sa panahon ngayon.
Naramdaman ninyo na ba, halimbawa, na kapag naglagay kayo ng pera sa ‘offering box’, “Ha! Iyan ay $10 na di ko na muli makikita.” Pero kapag pumunta kayo sa tindahan at inilagay ninyo ang inyong $10, may matatanggap kayo para rito. Makakakuha kayo maaari ng isang pares ng gwantes o isang balabal o anumang mabibili sa $10. May matitingnan kayo para sa inyong $10. Kapag inilagay ninyo ang pera sa ‘offering box’, wala kayong makukuha para sa $10 ninyo. Wala! Kung ibinigay ninyo ito sa isang kapatid na nangangailangan, anong nakuha ninyo para sa inyong $10? Wala! Wala kayong nakuha. At kaya iisipin nating: “Mas mapalad ang tumanggap kaysa magbigay.” Anong kamalian! Napakamali! Matutunan nawa nating baguhin ang ating pag-iisip. Hayaang baguhin ng Diyos ang ating puso at pag-iisip. Kung hindi, magiging tulad tayo ng punong igos na ito at tayo’y mapapahamak.
Mas Mapalad ang Magbigay: Pinapasaya Nito ang Diyos!
Ngayon, bakit mas pinagpapala ang magbigay kaysa tumanggap? Ibig sabihin ng ‘higit na mapalad’ ay mas pinagpapala kayo ng Diyos. Iyon ang ibig sabihin niyon. Higit na mapalad dahil ang Diyos ang magbibigay sa inyo ng higit na pagpapala. Kapag nakatanggap kayo ng regalo, iyon ay isang ‘blessing’. Pero natanggap ninyo na ang inyong ‘blessing’. Tapos, ang taong nagbigay ay makakatanggap ng ‘blessing’ niya mula sa Diyos. Kapag nakatanggap kayo ng jacket, halimbawa, tumanggap kayo ng materyal na ‘blessing’. Ang taong nagbigay sa inyo ng jacket ay nawalan ng jacket, pero nakatanggap siya ng espiritwal na ‘blessing’. Nauunawaan ba ninyo ang logic niyon?
Mas Mapalad ang Magbigay: Ipinapakita ang Pananalig at Pag-Ibig
Higit na mapalad ang magbigay kaysa tumanggap kasi ito’y mas nakakalugod sa Diyos. Iyon ang unang punto. Ito’y mas nakakalugod sa Diyos. At ito’y mas nakakalugod sa Diyos dahil ipinapahiwatig nito ang pananalig at pag-ibig. Pananalig at pag-ibig! Bakit nito ipinapahiwatig ang pananalig, una sa lahat? Ipinapakita nito ang pananalig dahil ang taong nagbibigay para sa kapakanan ng Diyos ay hindi naghahanap ng materyal na ganansya. Ngayon, kailangan ninyo ng pananalig para magawa iyon. Ang taong naglalagay, halimbawa, ng $10 sa offering box, kung inilagay niya ito dahil sa pag-ibig ng Diyos at hindi sa pakiramdam galing sa tungkulin lamang, alam niyang wala siyang materyal na ganansya mula sa $10 na ito. At kaya, bakit niya ito inilalagay roon? Kung wala siyang pananalig, hindi niya ito ilalagay. Pero inilalagay niya ito roon dahil naghahanap siya ng kapalit na espiritwal na biyaya, hindi materyal na biyaya. Iyon ang dahilan kung bakit pinapasalamatan ko ang Diyos para sa mga taong iyon. Batid ko ang pananalig nila mula sa katotohanang ito na hindi sila naghahanap ng kapalit mula sa tao.
Naaalala ninyo noong nasa lumang lugar pa tayo, kung gaano kagaling ma-witness ang paggawa ng Diyos sa mga kamangha-manghang bagay. Isang beses, may nagtapon papasok, literal na itinapon papasok – na lumilipad papasok sa pinto, na simpleng may pangalan ng church doon – isang regalo na $300. Sa susunod na beses, isang sobre naman ang papalipad na pumasok na may $400. At hinding hindi pa natin nate-trace kung sinong nagbigay. Isa pang beses, may sobre na dumating sa church – at lumipad sa pinto muli – na may $700. Sino ang taong ito, na magbibigay ng $700, at ang kabuuan ay $1,400, ngunit di nais malaman kung sino siya? Hindi ko alam kung sino. Ang taong ito, sa paggawa nito ng di-nababatid, ay hindi man lang makakatanggap ng ‘salamat’ dahil hindi natin alam kung sino siya. Pero ang taong ito ay nagpapakita ng kanyang pananalig sa Diyos dahil ang taong ito’y humahanap ng ‘reward’ mula sa Diyos. Iyon ay pananampalataya. Hindi siya naghahanap ng gantimpala mula sa tao. Walang sinuman na walang pananalig ang gagawa ng gayong bagay.
Natatandaan ninyo na isang beses pa, nakaupo tayo sa Bible study at may kumalampag sa pinto. Pumunta ako sa pinto at binuksan ito, tumingin ako sa kaliwa’t kanan sa kalye, pero wala akong nakitang sinuman. Walang taong makikita. Pero, naroon sa labas ng pinto ang isang regalo na isang stereo cassette recorder (yaong nagre-record ng ating mga mensahe bawat Linggo hanggang sa araw na ito)! Iyon ay dumating bilang regalo. Ang recorder na iyon ay nagkakahalaga ng $200 hanggang $300. Mayroon pa ngang earphones at lahat-lahat na kasama ng cassette recorder. Sinong gumawa nito? Di natin alam. Ang nagbigay ng recorder ay concerned na mai-record ang Salita ng Diyos at magbigay-blessing sa iba, ngunit hindi naghahanap ng anumang pagkilala o anumang gantimpala. Hindi natin alam kung sino ang taong ito. Iyon ang pagpapahiwatig ng pananalig. Hinahanap nila ang kanilang gantimpala mula sa Diyos, hindi sa tao. Ayaw nila ng anumang gantimpala mula sa tao.
Ipinapahiwatig nito ang pag-ibig dahil, gaya ng nakikita ninyo, ang taong bumili ng recorder na ito, halimbawa, ay iniisip ang biyaya na mapapasa-iba sa pamamagitan ng Salita ng Diyos. Anong makukuha niya mula roon? Wala! Pero ipinapahiwatig niya ang kanyang pag-ibig at malasakit na ang iba ay makatanggap ng nagbibigay-buhay na Salita ng Diyos. Iyan ang pag-ibig. Ito’y isang pag-ibig na hindi naghahanap ng papuri mula sa tao, na hindi naghahangad ng katanyagan o pagkilala, na hindi naghahabol sa gantimpala. Iyan ang pagpapakita ng pananalig at pag-ibig.
Pagiging Mabunga – Naligtas Tungo sa Pananalig na Gumagawa sa Pag-ibig
Ngayon, sumusunod kung gayon na ang kabaligtaran, na ang taong naghahangad na makatanggap kaysa magbigay ay walang pananalig ni pag-ibig. Iyan mismo ang sitwasyon ng punong igos na ito na ipinapahiwatig dito. Nagbababad ito sa nutrisyon doon, wala itong naibibigay. Wala itong pananalig ni pag-ibig. Pero ang taong mapagbigay, at itinuturing na higit na mapalad ang magbigay kaysa tumanggap, ay nagpapakita pareho ng pananalig at pag-ibig. At kaya, siya ay naliligtas. Naliligtas siya sa pamamagitan ng pananalig that gumagawa sa pamamagitan ng pag-ibig. Napakaganda na ang buong doktrina ng kaligtasan ay natatagpuan sa talinghagang ito.
Nagpapasalamat ako sa Diyos para sa marami sa inyo na nasa church na ito dahil alam ko na mayroon kayong pananalig at pag-ibig. Batid ko ito sa paraan ng inyong pagbibigay. Maaaring hindi ko alam kung sinong nagbibigay at kung sino ang nagbibigay ng gaano. At hindi ako interesadong malaman iyan; ang mga bagay na ito’y para sa mga treasurer upang pangasiwaan. Pero kapag tinitingnan ko ang listahan ng naibigay, alam ko na maraming tao sa church na ito ang nagbibigay at nagbibigay na may kasamang pagsasakripisyo. Nagpapasalamat ako sa Diyos para sa kanila kasi ipinapakita nito ang kanilang pananalig at pag-ibig. Hindi sila naghahangad ng materyal na ganansya. Hinahangad nila ang gantimpala na manggagaling lamang sa Diyos. Sila’y gaya ni Abraham na hindi naghangad ng siyudad na nasa mundong ito, kundi ang siyudad na may mga pundasyon, na nananatili magpakailanman, na siyang ang Bagong Jerusalem. Hinahanap nila ang kaharian ng Diyos.
Marami sa atin nga lang, sa natatagpuan ko, ay kailangan pang matutunan ang ganitong kalalim na pananampalataya at pagmamahal. Kailangan pa nating matutunan ang pagbubuhos ng ating sarili, hindi lamang sa pera, kundi sa ating oras, ating enerhiya, ating malasakit, ang paraan ng pag-iisip natin sa iba kaysa sa ating sarili. Napaka-pundamental nito. Ipinagdarasal ko sa Diyos na tayo’y mabago sa ganitong paraan, na magkaroon ang Diyos ng bunga sa ating buhay at malugod siya nang husto.
Mapalad na Buhay ng Pagiging Mabunga – Galak sa Pagpapala sa Iba!
Kapag inisip ninyo ang punong igos na ito, ang bunga na nangagaling sa punong igos na ito ay kinakain nino? Ng puno ng igos? Hindi! Hindi kinakain ng puno ng igos ang sarili niyang bunga. Ipinamimigay ng puno ng igos ang bunga niya. Wala siyang nakukuha. Kumukuha siya ng nutrisyon, totoo iyon, upang makagawa ng bunga na siyang magiging kagalakan ng iba, bunga na makakapagbigay nutrisyon sa iba, bunga na magdadala ng luwalhati sa Diyos, bunga na pasasalamatan ng tao sa Diyos.
Kapag kumakain ako ng prutas at ito’y katakamtakam, napupuno ng pasasalamat ang puso ko tungo sa Diyos. Sa tag-init, naroon ang masasarap na peaches. Ah, napaka-juicy! Ang sarap ng mga ito’y di mai-describe! Talagang iniuudyok ka nitong magsamba sa Diyos. Madalas kong sabihin, “Panginoon, walang tagaluto sa mundo na makakagawa ng anumang kasing-sarap nito! Basta’t napakasarap nito – ang pagkalika mo nito, ang disenyo mo, at ang isiping ginawa mo ang mga prutas na ito para sa aming ikasisiya at ikalulusog!” Ibig kong sabihin, pwede namang gawin ng Diyos ang pagkain nang walang lasa, basta’t ito’y nagpapabusog sa atin. Pero malaki ang pagmamahal niya sa atin na di lang niya tayo binibigyan ng pagkaing ikalulusog natin, higit pa roon, ginagawa pa niya ang mga itong napakasasarap. Ah, napakabuti niyon!
At kaya, sa parehong paraan, dapat tayong magka-bunga, hindi lang upang maipilit na isiksik sa lalamunan ninuman at upang basta’t mapanatiling buhay sila, pero nawa’y ang bungang iyon ay maging masarap ang amoy, ang lasa at ang anyo. Tingnan ang peach. Napakaganda ng kulay nito. Ang anyo ay maganda. Ang amoy ay nakakahalina. Ang lasa ay napakasarap. Ano pang mahihingi ninyo? Lahat ng ginagawa ng Diyos ay napakagaling. May mga Cristianong nagsu-survive lang; nakakagawa sila ng – kung maaari mang matawag ito ng gayon nga – bunga. Hindi man ito masarap sa panlasa, pero kung kakainin ninyo ito, kaya na siguro nito kayo mapanatiling buhay. Gaano sana kagaling kung ang bungang iyon ay masarap at nakakahalina! Ah, nawa’y gawin tayong maganda ng Diyos, na ang iba’y pagpalain, na ang ating sariling puso’y magalak, at higit sa lahat, na ang Diyos ay maluwalhati!
At kaya, sa puntong ito, nais kong magsara. Nais ko na tayo – ikaw at ako – ay suriin ang ating pag-iisip. Tunay na nais kong pagmuni-munihan ninyo ang mga salitang ito sa Gawa 20:35 dahil naroon ang susi sa talinghagang ito: “Higit na mapalad ang magbigay kaysa tumanggap.” Maaaring hindi natin matutunan nang mabilisan ang napakagaling na leksyon na ito, pero nawa’y baguhin tayo ng Diyos upang matutunan natin ang napakagandang leksyong ito. At sa gayo’y hahayo at magiging daluyan ng grasya ng Diyos sa mundong ito. Tapos darating ang araw na sasabihin ng mga tao, “Nagpapasalamat ako sa Diyos para sa araw na nakilala kita. Napakalaking ‘blessing’ ang makilala ka, dahil sa pamamagitan mo, natikman ko ang mabuting bunga ng habag ng Diyos; sa pamamagitan mo, natanggap ko ang mga bunga ng buhay. Ikaw ay naging puno ng buhay sa akin na siyang nagpalakas sa akin nang ako’y gutom na gutom; nang ako’y namamatay na sa gutom, napakain mo ako’t napalakas.”
At sasabihin ninyong, “Ako’y walang kabuluhan, ‘I am nothing’, pero sa grasya ng Diyos, ako’y kung ano ako. Wala ako ng anuman na hindi ko natanggap. Natanggap ko ito at ipinasa ko sa iyo sa anyo ng bunga. At lahat iyan ay sa grasya ng Diyos.” Nawa’y ang buong church na ito ay maging isang ubasan ng Diyos, punô ng punong igos na namumunga ng napaka-sasarap at katakamtakam na bunga!
Katapusan ng mensahe.
Ito’y isang “edited transcription” ng mensahe.
Tinatanggap ng mga editor ang responsabilidad sa
pagkakaayos at pagdagdag ng mga reperensya mula sa Biblia.
Lahat ng mga nasambit na bersikulo ay mula sa
Ang Bagong Ang Biblia, Edisyong 2001.
(c) 2021 Christian Disciples Church